Thursday, February 28, 2019

BALIK PAGKABATA -Nick Ferarin

BALIK PAGKABATA Nick Ferarin Bakit itong mundo ay sadyang magulo? Hindi magkasundo, itong bawat tao Lagi lang magaling, ang bawat panuto Walang umaamin, mahina ang ulo. Kapag nga nagtalo, namuo ang ngalit At ang bawat isa, katwira'y giniit Hindi natatalos, dapat ay pag-ibig Laging mananahan, sa puso at isip. Hindi ba huhupa ang galit sa puso? At palatandaan ng init ng ulo Lahat namang bagay ay may pagbabago Hayaan na lamang, makalampas ito. Ang mga katwiran, dapat na pakinggan Kung mali o tama ang mga tinuran Sapagkat ang isip, dapat n'yang malaman Pinakipaglaban, na kadahilanan. Atin ngang limiin ang mga salita Kung ito'y naayon, sa 'ting pang-unawa; At pakatimbangin ang bawat kataga Na namumutawi sa dilang mahaba. Kaya nararapat, tayo'y magmahalan Ating kalimutan ang mga bangayan Itong pagkabata, balik sa isipan Upang ating Diyos, mahal tayong tunay.

No comments:

Post a Comment