Wednesday, February 27, 2019
Isang Dagli - Si Amelia ay Pitong Taong Gulang na
DAGLI – tuluyang anyo ng panitikan na katumbas ng isang maikling kwento, ang kaibahan lamang, ito ay mas maikli.
Ang Dagli ay lumaganap noong kapanahunan ng pananakop ng mga Amerikano. Ang mga ito’y ginamit ng mga manunulat na Pilipino upang kanilang maipahayag ang damdaming umiiral ng mga kababayan hinggil sa pamamalakad ng mga dayuhan.
Sa paglipas ng panahon, ang naging tawag sa dagli ay anekdota, slice-of-life, day-in-the-life,
Si Amelia ay Pitong Taong Gulang na
Dagli
Anonymous
SALIN
NI
eddie lauyan de fiesta esteban
Mahal kong mga kaibigan,
Hi, ako si Amelia, isang batang Carribean.
Pitong taon na ang nakararaan nang ako ay ipamigay ng mabait kong nanay. Heto ako ngayon, alila ng pamilya ng matatapang.
Bago tumilaok ang manok, nakasalok na ako ng tubig sa isang balon na nasa tapat ng bahay. Sunong ang bangang puno ng tubig. Kahit hirap, minadali ang paglakad nang di na muling mahuli sa paghahanda ng agahan. Ayaw ko nang maulit na mahagupit ng sinturon itong aking puwit na di na nawalan ng latay.
Kapag araw na may pasok sa eskwela, ako ang tagahatid sa anak na lalaking matanda lamang ako ng saktong dalawang taon. Mabait ang batang ito, manang-mana sa nanay.
Wala akong pahinga sa buong maghapon, ang magpahinga sa akin ay bawal… makapananggaling sa paaralan, ang tungo ko ay sa kusina naman upang tumulong sa paghahanda ng pananghalian. Kung hindi naman, sa palengke ako uutusan.
Sa oras ng kainan, ma-umagahan,ma-pananghalian ma-hapunan, kailangang ako sa kanila'ynakaantabay nang maisilbi kanilang kailangan. Saka lamang ako kakain kapag tapos na silang kumain… swerteng maituturing kapag may natira para sa akin. Kung wala naman, tira nila sa pinggan ang aking iipunin at iyon ang aking kakainin. Kung sabagay mas mabuti na kaysa pagtiyagaan giniling na mais na bukod sa may amoy ay may amag pa mandin.
Siyempre, matapos kong kumain, mga pinagkainan ay kailangang hugasan at masinsing aayusin sa magarang lagayan.
Sunod na haharapin gabundok na labada, isisingit na labhan ang hinubad na damit na bukod sa kupas ay gula-gulanit pa. Ang tubig na pinaglabhan ang gagamitin upang kahit paano’y maalis ang libag sa aking katawan. Tubig kasing ako ang nag-igib di ko maaring magamit. Sa pamamalantsa, tagaktak ang aking pawis.
Dagdag na trabaho ko, sa hapon, oras ng lamiyerda, kapag aking narinig “ Amelia! Parito ka," alam ko na ang aking gagawin. Magdadala ng palangganang halos puno ng maligamgam na tubig, huhugasan paa ng babaeng amo ko... nang malinis na malinis. Na kapag di nasiyahan, tampal sa magkabilang pisngi ang aking aabutin.
Hanggang dito na lang, ako sa inyo ay paalam… nawa kayo ay pagpalain ng Maykapal.
P.S.
Liham na ito ay di ako ang sumulat, pinakiusapan lang kapwa batang aking kaibigan… ako ay di nila pinag-aral.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment