Thursday, February 28, 2019
BIKIG NI VICENTE AMURAO
BIKIG
ni Vicente Amurao
Nakakakilos k pa ba nang ayon sa iyong pasya?
Tahasang masasabi mong ika'y tunay na masaya.
Yung hindi ka nadadala ng kahit kaninong dikta
Walang gapos ang iyong kamay, walang piring ang 'yong mata.
Naihahayag mo pa ba ang laman ng iyong isip?
Na hindi sisikdo-sikdo ang kaba sa iyong dibdib
Kung gayon magsalita ka, huwag ka dyang manahimik
Huwag mong hayaan ang dahas ay maghari sa paligid.
Di ka dapat mataranta, hindi ka dapat malito
Karapatan ay sa lahat, ikaw ako, kayo, tayo
Di natin dapat hayaang buhay natin ay magulo
Bangon sa pagkakaidlip at ibalik na ang wisyo.
Namamasdan mo ang hirap, ang panaghoy at pagiyak
Kabataa'y pinapaslang, kabud na lng bumabagsak
Ngunit hindi ka kumilos hinayaang mong maganap
At patuloy na maghari ang iyong takot at sindak
Marahil nga noong una ay hindi mo pinapansin
Ang sabi mo ay tama lang at mabawasan ang krimen
Mapa-bata at matanda Oh Diyos kong mahabagin
Sa biglaang pagkamatay di na nakapanalangin.
Tama na po, tama na po may exam pa ako bukas
Habang sya'y walang awang hinablot at kinaladkad
Siya ay nagmakaawa ang hangari'y makaligtas
Subalit di sya pinansin ang buhay niya ay inutas.
Sa kabila ng panaghoy at gitna ng mga daing.
Nagkibit balikat ka lng at natulog ng mahimbing
Kung kaya ang masasama nagpatuloy sa gawain
Dahil walang kumokontra, hindi natin pinipigil.
Kabi-kabilang pagyurak at alipustang inabot
nating mga mamamayang nagpaalipin sa takot
Kaya mo ba na tanggaping mahina ang iyong loob
Mamamatay na walang laban, hindi ka man lang kukurot.
Pagmasdan ang sarili mo't humarap ka sa salamin
Mukhang di mo nakikita ang katangian mong angkin
Bawat isa ay binigyan ng kanya-kanyang galing
Sa tawag ng katarungan naratapat mong gamitin
TANGGALIN MO NA ANG PIRING na sa mata'y tumatapal
Sumigaw ka nang MALAKAS...upang mawala ang busal
Ika'y hindi nag-iisa, napakaraming karamay
Kumilos na at alisin ang "bikig" sa lalamunan,
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment