Wednesday, February 27, 2019
Isang tula-Sa Laot ng kasawian - Amante Amurao
SA LAOT NG KASAWIAN
Pangarap kang nakasabit sa dingding ng panginorin
Mga ibong naglalayag ay muntik ka pang dagitin
Sa lilim ng bahaghari'y itinupi ang panimdim
Umindayog sa amihang kaniig ko at kapiling
Niyapos ka n'yaring hangin na akin nang kinausap
Upang ikaw ay ilipad sa pusod ng mga ulap
Habang sa aking paanan, munting alo'y umiindak
Ikaw ang iniisip kong makapiling at mayakap
Sa pagaspas nitong pakpak nilakbay ang kalawakan
Inaaninag sa ulap ang marikit mong larawan
Umagos ang mga luha nang hindi ka matagpuan
Humihikbi sa pighati at labis na kalungkutan
Kinapa ko sa damuhan ang mga luhang nalaglag
Nang mapanglaw na kahapong sanhi ng pusong nawasak
Sa dulo ng bahaghari ay doon ko iniiyak
Ang lumbay, hapdi at kirot ng kasawiang dinanasðŸ˜ðŸ˜ðŸ˜
Ang puso kong nalulumbay ay nasadlak sa pighati
Na ang tanging hinahangad ay mahalin kahit konti
Isang sulyap mo man lamang ang tangi kong hinihingi
Upang sugat ay maghilom at mapawi itong hapdi
Inilahad ko sa Diyos ang kirot ng aking puso
Ang pighati't kalungkutang dulot ng pagkasiphayo
Tanging saksi'y itong langit habang ako'y nakayuko
Mga luha'y pumapatak, di maampat ang pagtulo
O kaysaklap ng dinanas, sa larangan ng pag-ibig
Ang puso ko'y nalulunod, naghahanap ng sasagip
Sa sulok ng aking diwa marubdob ang pagnanais
Na sana'y magising ako sa masamang panaginip
"Maglaho mang lahat sinta, ang mga bit'win sa langit
Ngunit hindi kailanpaman, magmamaliw ang pag-ibig
Sa dingding ng alapaap larawan mo'y iginuhit
Sa laot ng kasawian...may puso pa bang sasagip?"
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment