Wednesday, February 27, 2019
Ang Babae ang manligaw - Nick Ferarin
ANG BABAE ANG MANLIGAW
Nick Ferarin
Napaisip ng malalim kung babae ang manligaw
Magsisibak nitong kahoy, sinaunang panliligaw
Mag-iigib din ng tubig, maskulado itong galaw
Hindi yata p'wede ito sa paghaplos t'yak aayaw.
Ngunit sa bagong panahon, tila yata maaari
Pagkat lalaki ay torpe lalo't basal ang ugali
Sa babaeng minumutya ang loob ay minimithi
Na magtapat na totoo sa sinta n'yang tinatangi.
Kaya ito'y nararapat, sa babae kung lumiyag
Ito ay pagkakataon, ang damdamin ay ihayag
Kung lalaki'y naging t'yope, hindi alam nararapat
Kahit na nga sa simula, mangangapa, ito'y tiyak.
Kaya dapat ng sabihin ang nilaman nitong puso
Sa lalaking nakikimi na wikain ang pagsuyo
Tingin naman di masama kung magsabi ng totoo
Wala naman mababawas sa kaniyang pagkatao.
Ang tradisyong sinauna, hindi nababagay ngayon
Dati-rati ay kalesa sa kalsada gumugulong
Tagahila ay kabayo ang pamalo ay sinturon
Ngunit ngayon ay iba na may makina itong gulong.
Malayo na ang narating nitong agham at pag-ibig
Ang lahat ay nagbabago bawat minuto at saglit
Itong ating kinagisnan kasaysayan mauulit
Ngunit iba ang pamagat, babae ang mamimilit.
Bakit hindi ka papayag na babae ang manligaw
Kung ito nga 'y napanahon siya itong mag-aalay
Bulaklak at tsokolate sa lalaki ibibigay
Hindi naman 'to masagwa kung tunay ang pagmamahal.
Baka naman nanaghili dahil hindi mo dinanas
Ang mabigyan ng regalo na nagmula sa niliyag
Kung marapat ay mabuti ito'y kanyang ihahatag
Sa binata na natorpe, sa inirog na minahal.
Hindi naman asal hayop kung babae ay umibig
Hinamak lang itong lahat makamit lang ang nilangit
Dahil torpe ang lalaki karanasan ay nawaglit
Hindi mo nga masisisi kung pag-ibig ay igiit.
Marami d'yan pangyayari na nabihag itong puso
Ang babae ang nanligaw simple lamang ito'y tago
Hindi nga lang binubunyag dahil hiyang marahuyo
Sa lalaking nililiyag hindi ito gawang biro.
Ang totoo, naranasan, ko nga itong pahiwatig
Nang dalaga na may gusto ang mata ay naka titig
At napansin ang pagsulyap binibining sakdal tamis
Kaya ako ay lumapit binigyan pa ng tsokoleyt.
Iyon na nga ang simula at nagtagpo itong puso
Dahil walang karanasan sa larangan ng pagsuyo
Siya itong lumalapit at ako nga ang sinuyo
Kaya nga di nalaunan, sinakal nga walang kibo .
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment