Thursday, February 28, 2019
translation sa Filipino ng Desiderata - eddie
DESIDERATA
ni Max Ehrmann
salin sa Filipino
ni
eddie lauyan de fiesta esteban
Gitna ng ingay, kaguluhan, ‘yong iwan.
sa tahimik, ikaw ay maggunam-gunam.
Pumalaot, walang bahid agam-agam.
Taas noo, lipos na karangal-rangal.
Rapat, walang dungis kasinungalingan.
Sa balana, maging bukas ang isipan.
Maging sa mga mangmang, sa walang muwang.
Sila man, may hangarin, may karapatan.
Iwasan mga nagdudunung-dunungan.
Sila’y kalawang sa iyong katauhan.
Sandaling sa iba ika’y managhili,
buhay mo’y magiging mapakla, mapait.
Amining sa iyo may nakahihigit.
Namnamin yaong mga pinaghirapan.
Sariling mapa ang iyong pagtuunan.
Ikatatagumpay ‘yong pagsumikapan.
Manatiling walang hangin sa katawan.
Magpawalang hanggan, ito’y iyong yaman.
Sa gawain, pumaroon sa liwanag
,
sapagkat ang mundo’y sakbibi ng bitag.
Huwag maging bingi, huwag maging bulag.
Sarili’y huwag hubaran ng katwiran.
Marami, naghahangad ng kabutihan.
Sa mundo, kalat yaring kabayanihan.
Nararapat lang, iyo itong tularan.
Sa sarili maging makatotohanan.
Maging ‘sang balatkayo, ‘yong kalimutan.
Sa kapwa totoong maging mapagmahal.
Pagkat sa gitna ng hapis at pithaya,
ito ang nagbibigay kulay sa buhay.
Mga naging karanasan, gawing gabay.
Ibaon ang bangungot ng nakaraan.
Kay Bathala, hingin yaring kalakasan.
‘
wag hayaan, kahinaan manirahan.
Magsasanhi, kabiguan, kalungkutan.
Ang sarili, iakma sa katuwiran.
Pagkatao, siyasatin ang larawan.
Tandaan, ikaw ay likha ni Bathala.
Tulad ng halaman, hayop na lipana,
ang daigdig, iyong tahanan, ‘yong lungga.
‘kaw ma’y sa dilim, tuloy na nangangapa,
Sikat ng araw, daratal sa umaga.
Magpasalamat sa Bathalang lumikha.
Sa Kanya ikaw ay dapat dumakila.
Mga adhika, sa kanya idambana.
Sa gitna ng kaguluhan ng buhay,
manatiling panatag ang kalooban.
Sa kabila nitong mga kabiguan,
ng pighati, ng mga bigong pangarap,
Sa’yo, may ngiting handog ang kalangitan.
Kita’y magsaya, may bukas, may pag-asa.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment