Wednesday, February 27, 2019
Isang tula - Mukha ng Pilipinas ni Sulyap Talinhaga
MUKHA NG PILIPINAS
Masdan mo ang hitsura ng isang paslit,.
Nanlilimahid,nakapaa at wala pang damit,.
Sa kalagitnaan ng EDSA ay tinitiis ang init.
Habang namamalimos sinasamantala ang trapik.
Habang kumakatok sa pinto ng sasakyan.
Nag- aamot ng awa sa may pusong ginintuan..
Bulyaw ang sagot mga sensitibong mayaman.
Sabay na dudura sa mga batang pinandirihan,
Ganito ang eksena,sa mukha ng Pilipinas
Naglilimayon ang mga taong talipandas
Katawan namumutiktik,palamuti na hiyas,
Kumikinang sa dilim, pagkatao naaagnas .
Ang bayan kong mahal nasakdal sa luha,
Mga taong hidhid teroristang mapaminsala
Sa dako ng Mindanao,ay kinitil ang tuwa
Ng mga pamilyang,sa kabaong iniluksa
Ang pag-asa ng marami na pagbabago
Ay isa lang alamat at nakatitik sa ĺibro,
Ang daming huwad na mapagbalatkayo,
Buwayang naturingan,sa bayan naglilo,.
At ang dusa ay pasan-pasan sa balikat,.
Ang krisis naranasan nagmahal na lahat
PresyO ng bilihin,ay pataas nang pataas,
Habang ang buhay ay pahirap nang pahirap,.
Ngunit ang dahilan nitong mga hinaing
Sa mga nakaluklok puso nawa masaling
Maralitang pamilya,na walang isasaing
Kakarampot na sahod kanila idinadaing
Bayan kong mahal,bayan ka ng pighati
Ang daming bulok,nakaluklok kinandili
Namutiktik ang kaban sa daming salapi
Sinipsip mo ang dugo,ng bayang nasawi
At ngayon malapit na naman ang eleksyon
Ang dami ng pautot palabas sa telibisyon
Aspiranteng kandidato ano ang nilalayon?
Sobra maaga ang kanilang mga ambisyon
Mukha ng Pilipinas sa ngalan ng watawat
Itong mga anak mo sa adhika watak-watak
Sa kumunoy nalublob yaring mga mahihirap
At ang kanilang hininga,ay paandap -andap
Ni:Sulyap Talinhaga
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment