Wednesday, February 27, 2019
Isang Dagli - Pangakong Tinupad
PANGAKONG TINUPAD
(dagli)
ni
eddie lauyan de fiesta esteban
Sa mga pangako, wala siyang tinupad?
Parang may mali, tayo’y magmuni-muni, ating balikan sa alaala ang nakaraan.
Kung hindi ako nagkakamali, kung itong pag-iisip ay may kalinawa’t katinuan pa, narinig ng animnapu’t apat na taong utak ko, ng animnapu’t apat na taong tenga ko, noong panahon ng kampanya, mula sa kanyang bibig, “ang taong ito’y aking pakakawalan.” Ang pangakong ito, makalipas lamang ang ilang buwan ng pagkakapanalo, kanyang tinotoo. Susi ng kalayaan sa taong pinangakuan buong lugod, ibinigay. Kaya’t hayun, itong pinakawalan, namamayagpag, pinagpapasasaan ang ninakaw sa ating kabang bayan.
Di naglipat saglit, di nagkabula, itong aking agam-agam, mga iba pang sumalok sa ating mga pinaghirapan, isa-isang nililisan hawlang sa kanila’y pumipigil, plunder pa mandin ang sa kanila’y nakapataw.
Darating ang panahon, ito nama’y isang hula lang… isangdaang porsyento magkakaroon ng katuparan, lahat nitong mga nagnakaw, makahuhulagpos sa tanikala ng bilangguan, pagkat abogado nila’y sadyang magagaling, ang perang ninakaw nila sa atin.
Ang di ko maintindihan, gumugulo sa aking isipan, ang taong ito, sa halip na kamuhian, manapa’y pinapalakpakan, pinapalakpakan kanyang kapalpakan.
Aking samo’t dalangin, itong mga bulag, bingi ang pandinig, magmulat ng mata, hintutuli’y linisin, maumpog nang magising.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment