Thursday, February 28, 2019
NAIS KO - Pulang Tinta
NAIS KO
ni : Pulang Tinta
Nais kong maglakbay sa bagong daigdig
na wala nang bahid anumang ligalig,
Kung diwa'y gapusin ng sawing pag-ibig
sa Poong Bathala ako'y mananalig.
Saglit kong tatakpan baul ng kahapon
sabay ang pagtayo at muling pagbangon,
Kung libyong ligaya'y kipot sa pagtugon
ako'y maghihintay sa takdang panahon.
Sukal sa pahina nitong nakaraan
buong papalisin nang may katapangan,
panibagong aklat ay muling bubuksan
librong sa lakbayi'y gagawing kanlungan.
Sa aking paghakbang at makatalisod
ako'y nakayuko na muling gagaud
Paang nanghihina'y aking isusudsod
hanggang makalayo sa aking pag-isod.
Liwanag sa mukha ay patitingkarin
karugtong ang aking wagas na hangarin,
Kung gintong pangarap ay liripin
sa'king panaginip ay paaalipin.
Aking hihintaying langit ay magbukas
at do'n buburahin natitirang bakas,
Kung itong nilandas sa ngiti ay salat
maligaya pa rin akong mauutas.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment