Thursday, February 28, 2019
Ang Paghuhusga - eddie
The Trial
retold by
Tony Shapiro
Ang Paghuhusga
Salin sa Filipino
ni
eddie lauyan de fiesta esteban
Malaot nang panahon ang nakararaan sa Kaharian ng Cambodia, isang binata ang umibig sa isang dilag. Ang binata, sa mga magulang ng huli dumulog, hiningi permisong pakasalan ang iniibig. “Kung nais mong pakasalan ang aming anak”, wika ng mga magulang, “kailangang malampasan mo ang isang pagsusulit. Ang iyong mga paa ay igagapos, ilulubog sa lawa na litaw lamang ang ulo sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Gaano mang lamig ang iyong maramdaman, di ka gagawa ng paraan na maginhawaan, di gagawa ng paraan na mainitan ang katawan. Kapag nalagpasan ang lahat, ang aming basbas na pakasalan aming anak, mapapasaiyo.” Ang binata sa kakaharaping pagsusulit, sumang-ayon, kaya gayon nga ang naganap, iginapos ang mga paa at inilubog sa lawa.
Makalipas ang dalawang araw at dalawang gabing nakatayo sa lawa, binatang nakatungo nagtaas ng noo. Sa malayo, sa itaas ng bundok natanaw nagniningas na apoy. Sa panahong iyon, binata’y halos gulapay na, nanginginig na ang katawan dulot ng lamig. Itinaas kanyang kamay, sa direksyon ng malayong apoy. Tiyap namang mga magulang ng dalaga pumaroon sa lawa, nakita kanyang ginawa. Mga magulang naghinuhang ang binata’y gumawa ng paraan upang mapagaan ang pakiramdam sa pamamgitan ng apoy na naroon sa kabundukan, nagpasiyang di nalampasan ng huli ang pagsusulit - walang magiging kasalan.
Ang binata, sanhi ng galit, dumulog sa husgado. Itong Mahistrado, inimbitahan mga magulang ng dalaga nang sa ganoon maimbistigahan. Mga inimbitahan, di nagpatumpik-tumpik, sumang-ayon at dahil sila’y nakaririwasa, nagawang bigyan ang nagpatawag ng pasalubong. Samantala, itong binata na walang kakayahan ang bulsa, di nakapagdala kahit anong biyaya para sa kagalang-galang. Itong kagalang-galang, ibinigay kanyang hatol, “Itong binata di sumunod sa kasunduan, di nagawa ang pagsusulit nang sumuway sa kasunduan, tinangkang mangalap ng init mula sa apoy sa kabundukan. Sa usaping ito, siya’y talo, di maaaring pakasalan babaeng sinasamo. Bilang karagdagang parusa, kailangan niyang bayaran kanyang mga inirereklamo sa pamamagitan ng isang handaan, isang handaang pagsasaluhan ng lahat.
Nang ang hatol narinig ng binata, may namuong galit sa dibdib, lulugu-lugong nilisan ang korte, sa sarili pabulung-bulong. Sa daang pauwi, nakasalubong si Judge Rabbit. “Bakit di maipinta ang iyong mukha, kapatid?” tanong ni Judge Rabbit. Buong pangyayari isinalaysay ng binata. “Saan ang tungo mo ngayon?” tanong ng kausap. “Uuwi, ihahanda ko ang pagsasaluhan,” sagot ng binata. “Ah” pabalik sagot ni Judge Rabbit, “Sige umuwi ka at ihanda mo ang pagsasaluhan, pagkatapos ako’y iyong sunduin, isama sa lugar ng salo-salo. Ipapanalo ko ang iyong usapin, iyan ay kung susundin mo ang aking sasabihin. Sa iyong paghahanda ng sopas huwag mong lagyan ng asin. Ilagay mo ang asin sa hiwalay na lalagyan.”
Ang ipinangakong tulong ni Judge Rabbit, ikinaluwag ng dibdib ng binata. Umuwi, inihanda ang mga putahe, inihanda ang sopas, di tinimplahan ng asin tulad ng sa kanya’y bilin. Matapos maihanda ang lahat, isinama si Judge Rabbit sa handaan. Pagkakita ng Mahistrado kay Judge Rabbit ito’y tinanong, “Kapatid na Judge Rabbit, bakit naligaw ka rito? “Naparito ako upang tulungan ka sa usaping ito, pakli ng tinanong. “Ahh, sabi ng Mahistrado, “Kung gayon, halika’t saluhan mo muna kami sa inihandang mga pagkain.”
Nang ang mga putahe’y nasa hapag-kainan na, ang Mahistrado nanguna. Ang sopas tinikman, dalawang subo, umangal, “Bakit walang asin itong sopas?” Si Judge Rabbit sumagot, “Ang apoy sa ibabaw ng bundok ay sinasabing nagbigay init sa binata. Paanong ang asin para sa sopas na naroon sa malayo ay di nagbigay lasa sa sopas?” Ang Mahistrado napahiya, tumahimik. Ang hatol sa usapin nabaligtad, nanalo ang binata, pinakasalan dalaga ng mag-asawa.
“Ang Paghuhusga” sa kontekstong Kultural
Ang Mahistrado sa kwento ay nasuhulan ng mayamang pamilya upang ang hatol sa kanila pumanig. Dito nasasalamin damdamin ng mga Cambodian sa sistema ng kanilang hustisya. Gayundin, ipinakikita rito ang kaugaliang kasalan kahit na walang pag-ibig na namamagitan sa magkabilang panig. Di binanggit kung ano ang nararamdaman ng dalaga sa lalaking sa kanya’y ipakakasal. Ang binanggit lamang ay ang pagkakasundo ng binata at ng mga magulang.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment