Thursday, February 28, 2019
translation - to Filipino ng Song of a Mother to her First Born - eddie
HELE NG ISANG INA SA KANYANG PANGANAY
“SONG of a Mother to her First-born”
Anonymous, Sudan
Salin sa Ingles
ni Jack H. Driberg
SALIN SA FILIPINO
Ni
eddie lauyan de fiesta esteban
Mahal kong anak, ako ay kausapin.
May ngiting mga mata yaong gamitin.
Ako ay iyong lambingin, kausapin.
Iyong kamay, ihaplos sa aking dibdib.
Iyong mga kamay na kahit malinggit,
may tatag, sa kasaysayan matititik..
Magiging kamay ng isang manlulupig.
Ikararangal ka ng amang inibig.
‘yong ngalang mandirigma’y kikilalanin.
Hanggang iyong libing, iyong mga supling,
kanilang supling, ika’y dadakilain.
Di ko malilimot yakap mong malagkit.
Di malilimot, kita’y yakap, mahigpit.
Di malilimot, ngiti na ubod tamis,
maliit na kamay, haplos aking dibdib.
Sa sandaling ngalan mo’y ‘sang bukang bibig,
luha sa mata, tutulo habang pikit.
Aking supling, anong ngalang ididikit?
Tayo ay maglaro, tayo ay mag-isip.
“yong pangala’y di dapat kabatik-batik.
Ating Panginoon, hindi magkakait.
Iyong kabutihan ang kanilang nais.
Nilikhang malinis, puti, idinamit.
Iyong mga mata, pinuno ng awit.
‘tong ‘yong mga kilay na kunot palagi.
Di ba’t ‘to’y tatak, ika’y mula sa langit?
Budhi , sa iyo kanilang idinilig.
Sigla’t lakas sa’yo kanilang idiniig.
Bunso, anong ngalan, sa’yo, itatawag?
Sa iyong katawan sinong nananahan?
Ama ba ng iyong marangal na ama,
o ng kanyang kapatid na mapagmahal?
Ninong kaluluwa ang iyong patnubay?
Anong ngalan ang sa iyo ay babagay?
Mahal, ako ngayon ay puno ng galak.
Tunay, isa na ’kong ganap na kabiyak.
Di na babaeng karaniwan, ‘sang nanay.
Minamahal, maging kapita-pitagan.
Magtaas noo, sapagkat merong dangal.
Magalak, pagka’t kagalak-galak.
Magmahal, pagkat kita’y minamahal.
Anak, aking anak, ika’y pagmamahal
na handog niyang namayapang kabiyak.
Aming pag-ibig, ngayon, isa nang ganap.
Kanyang rangal nasa iyong pag-iingat.
Ako ang sa’yo nagluwal sa liwanag.
Sadyang ako’y tunay na biniyayaan.
Sadyang ako’y lipos ng kaligayahan.
Ako ay isa nang ilaw ng tahanan,
Inaari ko ‘tong isang karangalan.
Bunso, ama mong nasa huling hantungan
handugan ng sakripisyo’t kapurihan,
sa lahat ng gawa, siya'y bigyang galang.
Sa gayon, pagpanaw di mamamalayan,
Pagkat siya’y nasa iyong katauhan.
Ikaw ang kanyang panangga’t sandata,
ikaw ang kanyang pag-asa ’t katubusan.
Dahil sa’yo, muli siyang mabubuhay.
Humimbing na, sanggol na may kagandahan.
Sanggol ng katapangan, ng kaganapan,
Tulog na, tulog na, tulog na panatag.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment