Wednesday, February 27, 2019
The People Could Fly by Virginia Hamilton -isinalin sa Filipino
The People Could Fly
By Virginia Hamilton
Sangkatauhan Makalilipad
salin ni
eddie lauyan de fiesta esteban
Source: Hamilton, Virginia. “The People Could Fly.” The People Could Fly: American Black Folktales. New York: Knopf Books for Young Readers, 1985. (1985)
Ang tao nakalilipad, iyon ang paniniwala. Sa Africa, mahabang panahon na ang nakararaan, ilang doo’y naninirahan, sa nahika, may angking dunong. Paitaas, mga paa naihahakbang na tila umaakyat sa isang bakod. Mistulang mga ibong kulay uwak na naglalayag sa ibabaw ng kaparangan. Nagkikinangang itim nilang bagwis malayang ikinakampay roon sa bughaw na kapalaapan.
Dumating ang panahon, marami sa kanila ang nabihag, busabos na alila ang hantungan. Silang mga nakalilipad, inilingid kanilang pakpak. Katuturan nito’y walang silbi sa isang sasakyang pandagat na naglalakbay sa malawak na lupain ng dagat - sa di mahulugang karayom na sakay, di maikakampay.
Ang mga kawa-awa lumasap ng katakot-takot na hirap. Nagkasakit, likha ng pagsalya, pagbaba’t pagtaas ng nagngangalit na alon. Bunga nito, nabaon sa limot bagay tungkol sa paglipad - nang di na langhap, mahalimuyak na ihip ng hangin ng Africang minamahal.
Yaong mga nakalilipad, di iwinaglit kanilang kapangyarihan bagama’t inilingid kanilang pakpak. Ang mga ito sa malas walang pagkakaiba sa mga kababayang patuloy sa pagdagsa, na yaong mga balat kasindilim ng uling. Di tuloy matukoy kung sino itong mga nakalilipad, kung sino ang mga hindi.
Isa sa mga may kakayanang makalipad, isang matanda, tawagin natin siyang Toby. At isang may katangkaran, subalit may takot, isang kabataang babae na dati rati may pakpak, tawagin natin siyang Sarah. Si Sarah, sa kanyang likod, isang sanggol ang nakasukbit. Si Sarah, sa tuwina may nginig ang tuhod, dulot ng pagod, dulot ng panlilibak na inaabot.
Sa parang, ang mga binusabos, walang himpil pagkilos ng mga kamay mula sa pagsilay at paghimlay ng Haring Araw. Nagmamay-ari ng kanilang katawang lupa, ang sarili, tinawag na “Master”. Nilalang na ito, may pusong sintigas ng minoldeng burak, may budhing madilim, kapara ng dambuhalang batong di matitinag. Kanyang katiwalang nasa ibabaw ng kabayo walang sawa ang panduduro sa inaakalang may bagal ang pagkilos. Siyang ang bansag ay “Drayber” walang pagod sa pagpapapilantik ng kakamping latigo - ang motibo, walang magbabagal-bagal. Lintik na latigo bawat mahagip iwa ang kapalit. Kaya silang mga bihag, sa pagkilos, kumahog. Kinakailangan.
Si Sarah nagbungkal nang nagbungkal samantalang himbing sanggol na nakasukbit sa kanyang likod. Ang sanggol nakaramdam ng gutom - nagpalaot ng iyak. Si Sarah, di magawang huminto upang ito’y padedehin. Di magawang huminto upang ito’y patahanin. Hinayaan itong magpalahaw, bagama’t labag sa damdamin. Wala siyang tapang, di magawang ipaghele nang sa gayo’y tumahan.
“Patahimikin mo ang bata,” sigaw ng katiwala. sabay turo rito. Si Sarah, napayukod na lamang.
Gayunpaman, si Drayber na di yata masaya kapag di naririnig hiss ng kanyang latigo, humagupit. Ang sanggol, humiyaw ng iyak. Ang ina, sa lupa, napaluhod.
Ang matandang naroon, si Toby, lumapit, ang babae, inalalayang tumayo.
“Sa lalong madaling panahon, kinakailangan kong tumakas, ”bulong ng babae.
“Sa lalong madaling panahon,” pakli ng matanda.
Si Sarah, di magawang tumayo, pinipigilan ng labis na pagkahilahod. Sunog ang kanyang pisngi, likha ng init ng araw. Ang sanggol walang tigil sa pagpalahaw. “kaawaan ninyo ako, kaawaan ninyo ako,” ang ang anaki’y sinasabi. Ang ina tigmak sa kalungkutan, ang sikmura kumakalam. Sa lupa, lumupasay.
“Tayo, pangit na babae,” sigaw ng katiwala. dumuro, inihagupit ang latigo, sa binti ni Sarah parang sawang pumulupot. Suot sa katawang katsa, lalong nagmukhang basura. Sariwang dugo mula sa binti, dumilig sa lupa..
Si Toby lamang ang naroon upang siya at ang sanggol tulungan.
“Ngayon na bago mahuli ang lahat,” anas ni Sarah. “Ngayon na ama.”
“Tama anak, ngayon na ang tamang pagkakataon,” sagot ni Toby.
“Humayo ka, batid mo kung ano ang nararapat gawin!”
Ang mga kamay iniukol sa langit, sa babae, inilapit “Kum... yali, kum buba tambe,” at iba pang makapangyarihang wika, paanas na winika.
Ang babae, iniangat ang isang paa, isinunod ang isa. Sa simula, di kaaya-aya ang ginawang paglipad habang kalong nang mahigpit minamahal na anak. Ilang saglit, nadama ang kapangyarihan ng mahika, ang misteryo ng Africa. Lumipad tulad ng isang malayang ibon. Tulad ng isang balahibong isinasayaw ng hangin.
Ang katiwala nagtangka siyang habulin, humihiyaw. Ang Sarah nilakbay ibabaw ng bakod, tumuloy sa kakahuyan, di napigilan ng nagtataasang mga punongkahoy, maging ng katiwalang humahabol. Ang paglipad halintulad na sa isang agila, hanggang sa di na abot ng mga mata. Ang mga tao, napatulala, di sila makapaniwala. Datapuwa isang katotohanan nga, sila’y saksi sa isang himala.
Ang sumunod na araw, sa kaparangan, labis ang init. Isang kabataang lalaking alila ang nagupo. Ang Drayber rito’y lumapit, yaring lupasay, hinagupit. Toby di nakatiis, sa kahabag-habag mga paa’y inihakbng palapit. Bumulong ng makapangyarihang wika. Wika ng sinaunang Africa bagama’t sa binata di banyaga, sa kanya, isa itong palaisipan. Isang hiwaga nang marinig. Unti-unti ang isip nagliwanag, tumayo, kumampay, dinama ang nagawang paglipad... tuluyang dinama nagawang paglaya sa tanikala., nilayag ang kalawakan.
Biktima ng init, nasundan at nasundan pa. Naroon si Toby. Ang mga lumupasay, tinawag ang pansin, sa mga ito idinulog ang mga kamay. “kum kumka yali, kum... tambe!” Mga bulong at buntong-hininga. Yaong mga lupasay, nagpilit tumindig, ang mga paa ipinadyak. sinakyan bugsong hangin ng init ng araw. Silang mga nalipad, itim ang kulay - sa ulunan ng katiwala tila nagsasayaw. Isang saglit, nilayag itong parang, mga bakod, mga lawa - nakalaya.
“Ang matanda, hulihin!” utos ng katiwala. “Narinig ko kanyang mga inusal na dasal. Hulihin siya!”
Nagbansag sa sariling Master patakbong tumungo sa kinaroroonan ng matanda.. Ang tinatawag na Drayber, kay Toby, nakaambang latigo handa nang ipulupot, ito’y bibihagin. Ang Master, sa baywang binunot kanyang baril. Si Toby nais na patayin.
Si Toby sa aksyong nakita mula sa dalawa ipinagkibit lamang ng balikat, tinawanan, “Hee, hee! Di ninyo ako kilala? Wala kayong alam tungkol sa mga narito?” Hayagang may sarkasmong nagwika. “Kami ang mga taong nakalilipad!”
Matapos, sa mga bihag, ipinagsigawan wikang sasagip sa karamihan, ... buba yali... buba tambe...
Kasunod nito, panabayang pagbigkas. Mga lugmok na katawan, nagtuwiran. Mga bata’t matatanda at yaong nakayang rumamay. Anaki, nais nilang maghawak kamay, maghugis bilog at sama-samang humimig. Di nila ginawa, walang sama-samang hugis bilog, walang naging paghimig. Sila’y sama-samang pumailanlang sa kalawakan, roon sa kaitaasan. Lumipad tungo sa kanilang kalayaan.
Ang matandang si Toby kanilang kabuntot, binabantayan kanilang kaligtasan. Ang kanyang mukha, walang bakss ng luha, ng ngiti. Siya ang tagapangalaga. Sa ibaba, roon sa pananimang kinalalagyan nitong mga naiwan, tingin ipinukol.
“Isama mo kami!” Pahiwatig ng kanilang mukha, datapuwa, takot na ito’y isigaw. Hindi sila maaaring isama ni Toby. Di pinayagan ng pagkakataon na sila’y maturuang lumipad. Kailangang sila’y maghintay ng tamang panahon upang makawala sa mapait na kalagayan.
“Paalam!” ang matandang tinatawag na Toby sa kanila’y nagpaalam. Sa isang kisapmata, palayong pumailanlang.
Ayon sa saling dila, mga pangyayari isinalaysay ng katiwala. Ang kilala bilang Master sumalungat, sinabing ang lahat walang katotohanan, isang ilusyon lamang. Ang katiwala, nagtikom ng bibig.
Ang mga binusabos na di nakalilipad, sa kanilang mga anak isinaling dila kanilang nasaksihaan, ang tungkol sa mga taong nakalilipad. Nang sila’y naging malaya. Sa tuwinang salo-salong nakaupo paikot sa isang apoy sa lupain ng mga malaya, ito’y isinasalaysay. Liwanag ng apoy, kalayaan at pagsasaling dila, bahagi ng kanilang buhay.
Sinasabi, anak ng mga di nakalilipad sa kanilang mga anak, ang kwento, isinalaysay. At ngayon, sa inyo aking isinalaysay.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment