Wednesday, February 27, 2019
The Gift Of The Magi - Translated in Filipino
THE GIFT OF THE MAGI
ni
O. Henry
AGINALDO NG MAGO
Salin sa Filipino
ni
eddie lauyan de fiesta esteban
Isang dolyar at walumpung sentimos. Iyon lamang. Animnapung sentimos roon ay tig-diyes. Diyes sentimos na naitabi tuwing halos magmakaawa sa magkakarne, sa bantay ng grocery, sa maggugulay na bigyan siya ng diskwento. Hindi titigil, hangga’t di nagagawaran, kahit na nagmumukha nang kahiya-hiya. Makaitlong beses, maingat na binilang ni Della kanyang ipon. Isang dolyar at walumpu’t pitong sentimos lamang ... kinabukasan Pasko na.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na wala nang magagawa kundi ang sumubsob sa naroong lipas na sa panahong sofa at ngumawa - siyang ginawa ni Della. Isang katotohanang sa buhay, may iyak, may hikbi, may ngiti, datapuwa, mas madalas ang paghikbi.
Habang maybahay patapos na itong paghikbi, ating bigyang sulyap kanilang tahanan. Isang paupahang ang mga silid sadya nang may kagamitan. Mga silid na larawan ng di naman gaanong kapulubihan. Nagkakahalaga ng walong dolyar sa loob ng isang linggo mula sa bulsa ng mga nangungupahan.
Sa ibaba, sa pasilyo, naroon, isang maliit na latang kahon, kahong laan para sa liham. Isang kahon na dahil sa kanyang kaliitan, di magkakasya kahit isang liham. Sa tabi nito, isang doorbell na kahit anong pindot, di nakalilikha ng impit mang tunog. Sa labas ng pinto, nakatitik: “Mr. James Dillingham Young.”
Ngalang ‘Mr. James Dillingham Young” nang roon ipinagkit, itong nagmamay-ari, ang sahod sa loob ng isang linggo, trenta dolyares. Ngayong dalawampung dolyares na lamang, ang “Dillingham” nais na maging “D” na lamang nang maiakma sa kanilang kasalukuyang pamumuhay. Kung sabagay, di na kailangan pagkat sa tuwina, Mr. James Dillingham Young kapag nasok sa inuupahang silid, umiiksi kanyang ngalan. Kanyang mahal na kabiyak, Mrs. James Dillingham Young tuwing sasalubong, yaong mga kamay sa kanyang leeg isasampay, bubulong ng “Jim”. Siya si Della na atin nang nakilala.
Si Della, tinapos ang paghikbi, ang pisngi, pinulbuhan. Sa bintana tumanaw, minasdan pagtulay ng isang abuhing pusa sa bakod na ang kulay, walang kabuhay-buhay. Bukas, Pasko na, kanyang ipon isang dolyar at walumpu’t pitong sentimos. Ipong sana’y pambili ng alaala para sa kanyang Jim. Ang naipon, likha ng kanyang pagtitipid ng ilang buwan. Ang dalawampung dolyar walang gaanong mararating. Gastusin, di yaong inaasahan - ang gayon, madalas. Isang dolyar at walumpu’t pitong sentimos upang makabili ng regalo para kay Jim, sa kanyang Jim. Maraming oras ang ginugol sa pag-iisip, sa pagpaplano upang makabili ng isang may kilatis na alaala para kay Jim. Isang alaalang may kilatis na bihira, may rating - isang alaalang nararapat para sa isang Jim.
Sa pagitan ng bintana, nakasabit isang makitid, parihabang salamin. Isang salaming nababagay lamang sa mga may balingkinitang katawan. Isang salaming ang gagamit nangangailangan nang mabilis na pagkilos, mabilis na pag-ikot-ikot sa harap nito. Si Della, na nagmamay-ari ng gayung katawan, nakagamayan na ang arte ng pagsilip sa salamin.
Isang saglit, mula sa bintana, may kinang ang mga matang iniharap ang sarili sa salamin. Datapuwa, di naglipas saglit, maaliwalas na mukha, nawalan ng kulay. Iglap, buhok hinayaang bumagsak sa kanyang kahabaan.
Mga Dillinghams, may dalawang pag-aaring itinuturing nilang yaman, maipagmamayabang. Ang isa, gintong relo ni Jim. Relong minana mula sa ama, relong minana ng ama sa kanyang ama. Ang isa pa, buhok ni Della.
Halimbawang si Reyna Sheba, sa karatig na silid naninirahan. Ang Della, sa bintana, sadyang ilulugay pinatutuyong buhok. Hahayaang ang reyna, makaramdam ng inggit pagkat batid niyang kinang ng anuman sa mga hiyas nito di makapapantay sa kinang ng kanyang buhok.
Halimbawang ang may bundok-bunduking yamang Haring Solomon, nasa kalapit lamang nilang silid. Ang Jim, sa sandaling ito’y masalubong, magkukunwang sa kanyang ginintuang relo sisilip ng oras. Mangyari pa, ang Hari sa paglakad titigil, dahil sa selos, sa kanyang balbas, mapapahimas. Batid ni Jim, buntong yaman ng Hari, di makahihigit sa kahalagahan ng yamang kanyang tangan.
Ngayon, heto nga, buhok ni Della na maalon-alon, mistulang talong inaagusan ng kumikinang na tubig, inilugay, abot hanggang tuhod. Buhok, muling ipinusod, mabilis, may kabog ang dibdib. Ilang saglit, napatuod, hinayaang tumulo ang luha sa alpombrang nanghihingi na ng kapalit.
Kulay tsokolateng dyaket, isinuot; kulay tsokolateng sumbrero, isinaklob sa ulo; palda, nagsuot. May ngiti ang mga matang halos liparin ang pinto, halos lundagin baitang pababa, tinungo ang kalsada.
Paghinto ng mga paa, nakapaskel, isang patalastas: "Mne. Sofronie, Hair Goods of All Kinds.”
Ikalawang palapag tinakbong paakyat, inayos ang sarili, hinabol ang hininga.
Isang mataba, maputi, may mga matang mapanuri, mukhang mabalasik ang nakaharap, si Ginang Sofronie.
“Bibilhin mo buhok ko?”tanong ni Della.
“Bumibili ako ng buhok,” sagot ng Madame. “Hubarin suot mong sumbrero, kikilatisin ko.”
Aluning kulay tsokolateng buhok nagpugay.
“Dalawampung dolyar,” pakli ng Madame, habang bihasang kamay himas-himas buhok na nakalugay.
“Ibigay mo sa akin, dali,”sagot ni Della.
Sa sumunod na dalawang oras, tila may pakpak na mga paa ginalugad mga tindahan... ang hanap, aginaldo para kay Jim.
Sa wakas, ang hanap, nahanapan. Isang bagay na para bang nilikha para lamang kay Jim, wala nang iba. Wala ito sa lahat ng tindahang pinuntahan, pinagkalkalan. Isa itong napakapayak na gold watch chain. Kanyang kapayakan, nagsasaad ng kagandahan - lahat ng magandang bagay, ganito ang dapat.
Sa relo ni Jim, ito’y babagay.
Nang nasilayan ng mga mata, batid niyang iyon ay para kay Jim. Ang gold watch chain at Jim magkapara, may katahimikan, may halaga. Ang Della dali-daling umuwi - ang tanging dala, isang gold watch chain at walumpu’t pitong sentimos.
Dahil sa gold watch chain, si Jim, nasaan man, anumang saglit maaari ng silipin ang oras. Ang relo, gayung napakaganda nga, kailanman di nagkaroon ng mainam na watch chain. Kadalasan, kanyang titingnan tamang oras kapag walang tao sa paligid.
Nang marating ni Della kanilang tahanan, saglit na nagbulay-bulay, ang ginawa, binigyan ng katwiran. Sinimulang ayusin iniwang marka ng pagpapakasakit. Ang pagmamahal at sakripisyo kapag pinagsama, minsan nag-iiwan ng malalim na pilat. Pilat na ito, di madaling gamutin, mandin isang napakalaking hamon.
Makaraan, apatnapung minuto, humarap sa salamin. Sariling larawan, maiging kinilatis, may katagalan. Larawan siya ngayon ng isang lalaking mag-aaral.
“Ako’y kikitlan ng buhay ni Jim”, bulong sa sarili, “bago niya ako masdang muli, magpapakling mukha akong isang mananayaw na nang-aamot ng salapi. Pero, ano ang aking magagawa! Ano ang mararating ng isang dolyar at walumpu’t pitong sentimos?”
Ikapito ng gabi, ang kape nakahanda na, puwet ng kawali sa kalan nakasalang na.
Jim ni Della, kailanman di nahuli sa pag-uwi.
Ang Della di mapakali, di alam ang gagawin. Maya-maya, iniupo ang pwet sa silyang nasa gilid ng mesa, ilang hakbang ang layo sa pinto. Sa palad, kinuyom gold watch chain na tangan, sa pinto di inalis ang tingin. Isang saglit, naulinig apak ni Jim sa unang baitang ng hagdanan. Ang batang ginang, nakaramdam ng kaba, napausal: “Panginoon, sana ang makita ni Jim, isang magandang Della.”
Pinto lumikha ng bahagyang langitngit, bumungad ang hinihintay. Ang Jim, larawan ng isang malalim na balon. Ang pobre, sa gulang na dalawampu’t dalawa, sa balikat, nakaatang na isang mabigat na responsibilidad, isang pamilya. Suot na overcoat di na kaaya-ayang masdan, kanyang mga kamay, sa lamig walang panlaban.
Ang Jim sa may pinto nagmistulang isang tuod, tahimik, sintahimik ng isang mangangasong aso, habang kalapit ang isang ibon. Ang mga mata, walang kurap, kay Della nakatitig. Titig na di mabasa ni Della, titig na ikinabahala. Ang titig, walang badya ng galit, ng pagsalungat, ng pagkagitla o anuman sa pinaghandaan. Si Jim, naroon lang, sa kanya, nakatitig.
Ang Della, sa kinauupuan tumayo, kay Jim lumapit.
"Jim, darling," impit ni Della, huwag mo akong tingnan nang ganyan. Ipinaputol at ipinabili buhok ko dahil di maaatim na wala akong pamasko para sa iyo. Tutubo siya uli - di mo ito ikagagalit, di ba? Kinakailangan ko lamang siyang gawin. Mabilis naman siyang tumubo, Merry Christmas! Magsaya tayo. Di mo alam kung gaano kaganda aginaldo ko para sa iyo.”
“Ipinaputol mo ang iyong buhok?” may himig panghihinayang na tanong ni Jim. Kinailangan niya ng ilang sandali upang maintindihan ang lahat. Wala, wala siyang hinagap sa kung ano ang mga pangyayari.
“Ipinaputol at ito’y ipinabili” sagot ni Della. “Di mo siya gusto? Ako pa rin naman ito, ako pa rin si Della, kahit wala na ang buhok ko.”
Sa silid, iniikot ni Jim kanyang paningin.
“Ang buhok mo, wala na?” ang sabi.
“Hindi mo kailangang hanapin,” sagot ni Della. “Ipinagbili ko, ipinagbili ko, wala na. Ngayo’y bisperas ng Pasko, huwag tayong magtalo. Huwag kang magagalit pagkat ipinagbili ko iyon para sa iyo. Maaaring buhok sa aking ulo’y mabibilang” sambit niya, “subalit sinuman walang makabibilang ng pagmamahal ko sa iyo. Gusto mo nang maghapunan, Jim?”
Isang mapagmahal na yakap ang isinagot ni Jim. Mula sa bulsa ng kanyang overcoat dinukot ang isang kahong nababalutan ng papel, ipinatong sa mesa. “Pakinggan mo ako Dell,” ang sabi. Walang uri ng gupit, anumang shampoo ang iyong gamit, walang anupaman ang makapagpapabago ng pagmamahal ko sa iyo. Ngunit kung iyong bubuksan ang kahong iyan, matatanto mo ano ang naramdaman ko.”
Balot ng kahon binaklas ng mapuputing daliri. Una, isang hiyaw ng tuwa ang narinig, ang sumunod, hagulgol.
Ang dahilan, laman ng kahon mga suklay na malaot nang inasam. Mga suklay na sa tuwinang mapapasyal sa lungsod di maaaring di maglalaan ng ilang saglit upang ito’y bigyang tanaw sa estanteng naroon sa isang tindahan. Mga suklay na walang singanda, may adornong mga hiyas. Mga suklay na nababagay sa kanyang napakagandang buhok. Batid niyang ito’y may kamahalan. Batid niyang hanggang panaginip lamang na ito’y maging kanya. Ngayon, heto hawak na ng kanyang mga kamay subalit wala na ang laang paggagamitan.
Ang mga suklay sa dibdib inilapat, kay Jim tumingala: “Mabilis tumubo ang buhok ko Jim!”
Ang Della, biglang napatayo, may naalaala.
Di pa nakikita ni Jim kanyang magandang aginaldo. Kay Jim, inilahad ang kanyang palad. Ang ginto wari’y lumikha ng kislap, kislap na may bahid ng pagmamahal.
“Maganda, di ba Jim? Ginalugad ko ang buong lunsod, para lamang iya’y makita. Maaari mo nang tingnan ang oras, makaisandaan mang beses sa isang araw. Iabot mo sa akin ang iyong relo. Nais kong makita kung ang gold chain at iyong relo, bagay na magkasama.
Sa halip na sumunod, itinapon ni Jim ang katawan sa sofa, inilagay ang mga kamay sa likod ng kanyang ulo, ngumiti.
“Dell," ang pakli, “Ilagay muna natin sa isang tabi ang aginaldo sa isa’t isa. Napakaganda ng mga ito para ating gamitin sa ngayon. Ipinagbili ko ang aking relo para mabili ko ang iyong mga suklay. Halika na’t tayo’y maghapunan.”
Ang mga mago, tulad ng pagkakaalam natin ay mga makatwiran - mga makatwiran na naghandog ng alaala para sa isang Sanggol na ipinanganak sa isang sabsaban. Sila ang nagpasimula ng pagbibigayan ng aginaldo tuwing Pasko. Bilang mga makatwiran, kanilang aginaldo ay makatwiran.
Rito, ikinuwento ko, salaysay ng dalawang nilalang na masasabi nating di ginamit ang isip. Para sa isa’t isa isinakripisyo kanilang natatanging kayamanan. Ngunit bilang huling salita para sa mga makatwiran ng kasalukuyang panahon - sa lahat ng mga nagbibigay ng aginaldo, ang dalawa, siyang pinakamakatwiran. saan man sila ang pinakamakatwiran.
Sila ang mga mago.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment