Wednesday, February 27, 2019
isang tula ni Kathangisip - Paglisan
Paglisan"
Mata'y tila naging pugad ng luha,
Magbuhat nang ika'y lumisan sinta.
Nagmaliw yaong amor na dakila,
Abang puso'y gulapay nang mistula.
Kumupas ang tingkad mo't halimuyak,
Ang sa hardi'y namukod na bulaklak.
Aliparong lumiyag sa iyo nang busilak,
nang dumapo'y dulot dusa't pag-iyak.
Gunita ng dampi ng iyong mga labi,
'di na maglalapat kahit na sandali.
Naglaho pagsuyong maalab, masidhi;
Linunod sa labis na luha't pighati.
Kapalara'y mistulang basag na bituin,
Sa paraisong parisukat kumubli sa dilim.
Habang naririnig mapanglaw na awitin,
Wari ba'y sanggol na marapat aluhin.
Nabalot ng luha ang bukang liwayway,
Ngiti'y nakagapos sa tanikalang lumbay.
Sa paggiliw na sakdal sugid at dalisay,
Sa dulo pala, puso'y naiwang naluray.
Minsan itong paligid anaki'y panaginip,
Sa lubhang himbing sino ang sasagip.
Ligayang nakamtan may luhang kalakip,
Pagmulat ng diwa, katotohana'y linilirip.
Makikita ba tanglaw ng kasarinlan,
Kung animo'y bulag sa bagnos karimlan.
Yaong saya't galimgim ng kahapong nagdaan,
Sa paglisan mo'y gunita ang siyang naiwan.
#orihinalnaakda
#kathangisip
-credits to the owner of the photo
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment