Thursday, February 28, 2019
tagu-taguan ni Alfrezth John Sablay
TAGU-TAGUAN”
ni
Alfrezth John Sablay
(grade 10- Abad Santos, FBHS, Division of Makati)
Tagu-taguan, sa liwanag ng buwan.
Larong kinagisnan, naging libangan.
Larong bahagi ng aking kamusmusan.
Larong noon ang turing, ‘sang katuwaan.
Ngayon, ‘sang larong aking iniiyakan.
Tagu-taguan, takot kanyang malaman,
‘tinatago kong tunay na nararamdaman.
May kaba, sa laro ako'y kanyang iwan.
Takot ipaabot siya’y minamahal.
May kabang sa aki’y turing kaibigan.
Tagu-taguan, di ako rapat masaktan.
Hindi rapat, wala akong karapatan.
Pagkat wala namang "TAYO" una pa lang.
Isa kasi akong duwag, isang hangal.
Takot masaktan, makamit, kabiguan.
Tagu-taguan, ano’t ika’y pangarap.
Gayung sa paligid, kalat, maliliyag.
Bakit ikaw pa siyang napupusuan?
Bakit t’wina ikaw ang nasa isipan?
Gayung kailanman hindi makakamtan.
Tagu-taguan, ako nga’y nasasaktan,
Kahit ako’y nasa iyo nang harapan,
Siya pa rin silip ng ‘yong mga mata.
May ngiti ka pag iyo s’yang nakikita.
Ramdam ko ako’y sinasaktang talaga.
Ako, siya at ikaw, tagu-taguan.
Tatlo tayo sa larong nakatuwaan.
Larong ngayo’y aking iniiyakan.
Pinili mong siya itong mahanapan.
Iniwan ninyo akong isang luhaan.
Tagu-taguan, hanggang kelan iiyak?
Hanggang kelan ako’y magpapakatunggak?
Kelan magigising sa katotohanan?
Siya ang mahal mo anu’t ano pa man.
Kahit ikaw ay kanyang sinasaktan.
Tagu-taguan, ako, siya at ikaw.
Ako ang sa’yo tunay na nagmamahal.
Sa kanya, ika’y isang laruan lamang.
Ito’y di lingid sa iyong kaalaman.
Ngunit giliw, ika’y nagbulag-bulagan.
Tagu-taguan, sa liwanag ng buwan.
Wala sa likod, wala sa’king harapan.
Isa, dal’wa, tatlo, tapos na ‘tong bilang.
Tagu-taguan, aking winawakasan.
Sa iyo mahal ko, ako ay paalam.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment