Friday, March 1, 2019
Ang Aking Pangarap ni Efren Valte
Ang kaakuhan ko'y di mo malilimot
dahil ako'y bantay sa iyo ay tanod,
nakatayo ako sa harap ng Diyos
nguni't ang malay ko'y laging nakaluhod.
Tagasibol ako ng iyong pag-asa
at tagapagtanggol sa oras ng sigwa,
kita'y binubuhat gabi ma't umaga
upang ang sikmura'y aking maisalba.
Ang mga biyaya'y oo nga't laganap
nasusumpungan lang ng mga masipag
subalit malaya kahit mga tamad
na sa magsasaka ay makikiangkas.
Saan mang lupalop sa sulok ng mundo
iisa ang nasa ng lahat ng tao,
unahing mabuhay,lumayang totoo
sa karalitaan ay maipanalo.
Tunay ngang kay yaman ng dibdib ng lupa
tila ba kawangis ng inang nagpala
sa kanyang kandili ay pinasagana
ang daloy ng buhay na malahimala.
Masayan mang tignan nguni't lumuluha
sa taghoy at daing ay nag-aadhika;
ang aking sagisag gulugod ng bansa
akong tagaligtas ang siyang kawawa.
Ako'y sumisigaw,hindi napupuot
sa mga nilalang na animo'y dios
sa pagod ng iba'y siyang sumasahod
nagsasamantala sa sistemang bulok!
Tanod na bayani,sino ang tututol
kung ako'y nahimbing kaya ka nagutom
hindi ba ako rin ang siyang nag-ahon sa dakong Kanluran ng magkaresesyon?
Nangangarap akong maging isang butil
ng isang halamang sa init magising
sa kapanahunan,nais ko'y mapansin
sa aking pagtubo'y merong Magigising!
Ang Aking Pangarap
03/01/16 edv
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment