Mga tauhan
Gilgamesh - Hari ng Uruk, Hari ng mga Hari, ang pinakamalakas sa sangkatauhan … isang matapang na mandirigma, makatwirang hukom at ambisyosong arkitekto. Kanyang pinaligiran ng malalapad na pader ang Lunsod ng Uruk, nagpatayo ng naggagandahan at naglalakihang zigurrats.
Nang mamatay ang kaibigang si Enkidu, hinanap ang kanyang tunay na sarili, naglakbay hanggang sa dulo ng daigdig upang hanapin ang kasagutan sa kanyang mga tanong tungkol sa buhay at kamatayan.
Enkidu - kasangga at kaibigan ni Gilgamesh… bago siya naging sibilisado, dahil pinalaki ng mga hayop ay nagtataglay ng mga gawi ng mga ito tulad ng kumain ng damo, uminom sa inuman ng mga hayop, umakyat sa punongkahoy, mailap at iba pa. Si Enkidu ay halos kasinlakas ni Gilgamesh… nakipagsukatan ng lakas dito (Gilgamesh) na nagtapos sa kanyang pagiging talunan, na naging daan upang silang dalawa maging magkaibigan.
Sina Enkidu’t Gilgamesh ay pinarusahan ng mga diyos dahil sa kanilang pagkakapatay kay Humbaba at sa berdugo ng Langit na si Gugalanna… ang parusa, isang dahan-dahan ngunit may kalupitang kamatayan para kay Enkidu.
Shamhat - ang babaing naging dahilan ng pagiging sibilisado ni Enkidu… kanyang tinuruan ng pakikipagtalik sa kapwa tao, uminom ng alak, kumain ng pagkain ng tao, sa pananamit, agrikultura at iba pa.
Utnapishtim - ang Hari at Pari ng Shuruppak… ang ibig sabihin ng kanyang pangalan ay “He Who Saw Life”.
Naligtasan ni Utnaphistim, ng kanyang asawa at ng isa sa bawat uri ng mga hayop ang isang malawakang pagbaha sa pamamagitan ng kanyang ginawang malaking bangka.
Utnapishtim’s Wife - isang babaing walang pangalan… siya ang humimok kay Utnaphistim na ilahad kay Gilgamesh ang sekreto ng mahiwagang halaman na tinatawag na “How-the-Old-Man-Once-Again-Becomes-a-Young-Man”.
Urshanabi – gwardya at bangkero ng “Ilog ng Kamatayan” na nagdala kay Gilgamesh sa tirahan ni Utnapishtim.
Ang Mangangaso - mangangasong naghangad na si Enkidu’y paamuin.
Anu (Anuto)- ang ama ng mga diyos at diyosa; diyos ng kalangitan.
Aruru - diyosang lumikha kay Enkidu, mula sa putik at kanyang dura.
Ea - diyos ng mga ilog, sasakyang pantubig, diyosa ng katwiran … hingian ng tulong ng mga tao… nakatira sa Apsu (ilog sa ilalim ng lupa).
Humbaba - halimaw na gwardya ng Cedar Forest na nakapagpapalit-palit ng mukha; may pitong kasuotan na may kapangyarihang iparalisa ang sinumang sa kanya’y magtangkang humarap. Ang kanyang hininga’y parang bulkang sumasabog kapag nagagalit… kanyang sigaw, mistulang rumaragasang baha.
Nang siya’y harapin nina Gilgamesh at Enkidu, isa lamang sa kanyang makapangyarihang kasuotan ang suot, di tuloy nagamit lahat ng kanyang kapangyarihan… nakatulong nang malaki ang labintatlong hanging ipinatama ni Shamash sa halimaw upang magapi ng dalawa.
Sa huli nang magapi, awa’y hiningi kay Gilgamesh at Enkidu… hininging huwag siyang patayin.
Gugalanna - (Bull of Heaven) ang Hari ng impiyerno.
Scorpion Man - halimaw na ang pang-itaas na katawan ay sa tao at ang pang-ibaba’y sa buntot ng alakdan. Siya at ang kanyang asawa ang bantay ng kambal na bundok, ang Bundok Mashu. Sa bundok na ito, sa kanyang mga paglalakbay, si Shamash, madalas dumaan.
Alewife Siduri - ang diyosa ng alak… nakabelong tagapangasiwa ng isang taberna na hiningan ni Gilgamesh ng tulong. Sa kabila ng pakiramdam na may di magandang mangyayari sa pakiusap ni Gilgamesh hindi nakatanggi… tinulungan ang nakikiusap sa gagawing paglalakbay sa lugar ni Utnaphistim.
Tammuz - diyos ng mga pananim… isang mortal nang ipinanganak… asawa ni Ishtar.
Enlil - diyos ng lupa at hangin.
Sin - diyos ng Buwan.
Ereshkigal - Reyna ng impiyerno.
Ishtar - diyosa ng pag-ibig at digmaan… kadalasan ang tawag sa kanya ay “Queen of Heaven”. May ugali siyang papalit-palit… minsan siya ay madaling magalit, kung ano ang ibig, dapat na masunod… minsan siya ay mapagmahal, parang ina sa lahat… kung minsan siya ay malupit.
Lugulbanda - pangatlong Hari ng Uruk (matapos ang malaking pagbaha na halos lumipol sa lahat ng nilalang sa daigdig). Si Gilgamesh ang ikalima . Si Lugulbanda ay ang may gawa ng ilang tulang Sumerian… ang tagapagtanggol ni Gilgamesh.
NINSUN - Ina ni Gilgamesh, tinatawag ding “Lady Wildcow Ninsun” na kilala sa pagiging matuwid. Asawa ni Lugulbanda.
Shamash - diyos ng araw; kapatid ni Ishtar; hingian ng payo ni Gilgamesh.
Ninurta – diyos ng digmaan.
Ennugi – diyos ng irigasyon.
Paunang Salita
Bagama’t ang akda ay isang epiko, makikitang ang naging pagsasalaysay ay sa pamaraang naratibo. Ito marahil ay sa dahilang ang kopya ng mga tula ay naisalin na sa iba’t ibang wika; nagkaroon na ng ilang pagbabago dahil sa kakulangan ng mga datos na kinakailangan, na sanhi ng labis na nitong katandaan; maliban sa ang patulang salaysay ng orihinal na akda ay di matutumbasan nang gayon ding patulang pamamaraan ng wikang ginamit sa pagsasalin.
Makikitang sa isinalin, gumamit ang may-akda ng TABLET1, 2, 3 hanggang sa 11 na katumbas ng “kabanata” sa isang nobela… lumalabas tuloy, ang nasabing epiko ay nasa anyong nobela.
EPIKO NI GILGAMESH
Salin sa Ingles ni Andrew George
SALIN
NI
eddie lauyan de fiesta esteban
Tablet 1
Ang Hari ng Uruk na si Gilgamesh na dalawang-katlong diyos at sankatlong mortal ang kinikilalang hari ng mga hari, ang pinakamalakas sa sangkatauhan.
Sa mga unang panahon ng kanyang panunungkulan bilang Hari, ang kanyang pinaka-diyos ay mga materyal na dulot ng mundo… abusado sa kanyang kapangyarihan, ginagamit ito para sa pansariling kaligayahan. Isa sa kanyang mga kautusan ay ang tinatawag na droit du seigneur o karapatang sipingan ang isang babae sa araw ng kasal nito. Ang kalalakihan ay sapilitan niyang pinagtatrabaho sa kanyang mga proyekto, ginagawang kanyang libangan… pinaglalaban ang mga ito sa isang arena. Dahil dito, ang nasasakupa’y nanalangin sa mga diyos na bigyan sila ng isang katapat ni Gilgamesh, katapat na makapipigil sa mga mapaniil nitong mga gawain. Ang panalangi’y dininig ng mga diyos, si Enkidu’y ipinadala… si Enkidung pinalaki ng mga hayop sa kagubatan.
Dahil lumaki sa kagubatan, ang mga gawi ng mga hayop ang kanyang nakagisnan. Kung ano ang ginagawa ng mga ito ay siya niyang ginagawa.
Sa isang pagkakataon, nakasabay ni Enkidung uminom sa inuman ng mga hayop ang isang mangangaso. Napagtanto ng mangangaso na ang nakasabay ang siyang naninira ng kanyang mga pain para sa mga hayop.
Ang nangyari sa kagubata’y isinalaysay ng mangangaso kay Shamash, ang diyosa ng araw. Isang paraan ang kanilang naisip upang si Enkidu’y mapaamo. Isang bayarang babae ang aakit rito, sa katauhan ni Shamhat.
Matapos ang anim na araw at pitong gabi ng pagsisiping, si Enkidu’y dinala ni Shamhat sa kampo ng isang tagapag-alaga ng mga hayop. Doon ay itinuro sa taong-gubat ang mga gawi ng tao, ang maging sibilisado.
Samantala, si Gilgamesh, sa tuwina’y nananaginip tungkol sa pagdating ng isang kasangga, isang kaibigan.
Tablet 2
Sa kampo, mula sa isang nagdaraan, napag-alaman ni Enkidu ang tungkol sa ginagawa ni Gilgamesh sa mga babaing ikakasal. Ito ay kanyang ikinagalit, ipinasiya niyang puntahan ang hari ng Uruk upang ito’y bigyan ng leksyon.
Nang sa isang kasalan, ang Hari’y bumisita, sa kanyang daraanan, si Enkidu’y humarang, siya’y hinamon ng sukatan ng lakas. Sukatan ng lakas, nagtapos sa pananaig ni Gilgamesh, nagtapos sa pagiging magkaibigan ng dalawa.
Tablet 3
Ang pakikipagsukatan ng lakas ang isa sa nakagawian ni Gilgamesh… dahil wala na sa kanyang makatalong mortal, kay Enkidu’y iminungkahing sila’y maglakbay, maglakbay sa kagubatan ng Cedar upang patayin ang bantay nitong halimaw na si Humbaba.
Ang binabalak, ayon sa konseho ng mga matatanda’y lubhang mapanganib, “Haring Gilgamesh, isang diyos na makapangyarihan ang inyong makakabangga, sa katauhan ni Enlil. Siya ang nagbawal sa mga mortal na pumasok sa kagubatan ng Cedar… ang nagtalaga kay Humbabang bantayan ito, si Humbabang may taglay ring kapangyarihan.”
Ang lahat ay di pinakinggan ni Gilgamesh.
Bago ang kanilang paglalakbay ni Enkidu, sa kanyang inang si Ninsun, si Gilgamesh nagbigay galang.
Upang matulungan ang anak at ang inampong si Enkidu sa gagawing pakikipagsapalaran, tulong ni Shamash, hiningi ni Ninsun.
Pamamahala sa Uruk, sa Ina, iniwan ni Gilgamesh.
Tablet 4
Sa kanilang paglalakbay, tuwing magkakampo sa isang lugar ng kagubatan, si Gilgamesh, nagsasagawa ng ritwal. Sa ritwal, pagguho ng kagubatan, limang beses niyang nakita...ang nakabibinging pagkulog at pagkidlat, mga rumaragasang “wild bull” at isang ibong ang inihihinga ay apoy. Lahat ay may pagkakahawig sa pagkakalarawan ng mga matatanda sa Uruk kay Humbaba.
Tablet 5
Pagpasok ng dalawa sa Kagubatan ng Cedar, sila’y ininsulto’t tinakot ng sumalubong na si Humbaba., “Isa kang traydor Enkidu! Gilgamesh, hindi kakayanin ng isang mortal na gaya mo, kahit gaano ka man kalakas, ang aking lakas at kapangyarihan! Sa sandaling ikaw ay aking mapatay, kita’y aking kakatayin, iyong lamang-loob sa isang thunderbird, ipakakain.”
Kay Gilgamesh, may nakita si Enkidung takot. Loob ng hari, kanyang pinalakas.
Banggaan ni Gilgamesh at Humbaba, naging mahigpit, tuwing magkakadikit, kagubatan nililindol, langit, nangingitim.
Tulong ni Shamash dumating, ipinadalang labintatlong hangin, agad, kay Humbaba gumapos.
Nagaping Humbaba, sa harap ni Gilgamesh lumuhod, tulo ang luhang nagmakaawa.
“Gilgamesh, ako’y iyong patawarin, maawa ka sa akin, huwag mo akong patayin. Ako sa iyo’y magpapaalipin… para sa iyong bagong hari ng kagubatan ng Cedar, ako mismo ang puputol ng mga punongkahoy.”
“Sinungaling! Kani-kanina lang kung anu-ano ang iyong sinabi na puro pananakot… kaibigang Gilgamesh, tuluyan mo na ‘yan.”
Sa isang hataw ng kanyang kamay (Gilgamesh), laglag ang ulo ng bantay ng kagubatan ng Cedar.
Ang magkaibigan, namutol ng maraming punongkahoy, isa roon ay malaking-malaki. Gagawin itong pinto ni Enkidu para sa templo ni Enlil, bilang alay.
Sa malaking balsang ginawa, lahat ng pinutol na puno’y isinakay, pati ulo ni Humbaba… binagtas ilog ng Euphrates.
Tablet 6
Pang-aakit ni Ishtar, di pinatulan ni Gilgamesh… ayaw niyang magaya kay Danuzi, dating mangingibig ng diyosa na nakatikim nang hindi maganda mula rito.
Sa galit ni Ishtar, amang si Anuto’y kinausap, rito’y hiniling na si Gugalanna’y (Bull of Heaven) ipadala sa Uruk upang doon ay manira.
Pagpapahindi ng ama sa kagustuha’y ikinagalit nang husto ni Ishtar, nagbanta, “Ang lahat ng mga patay ay aking bubuhayin, iuutos sa kanilang patayin ang lahat ng mga tao!”
Sa takot ni Anuto, kustombre ng anak, sinunod. Kilala niya si Ishtar, iba itong magalit.
Sa utos ni Ishtar, Uruk, hinalihaw ni Gugalanna, Ilog Euphrates, tinuyo, mga pananim sinira, lupa’y pinabuka na lumamon ng higit tatlong daang katao.
Enkidu’t Gilgamesh nagtulong, Gugalanna’y pinagtulungang patayin. Puso ng napatay, kay Shamash inialay, durog na katawan, ibinato sa harapan ni Ishtar.
Tablet 7
Dahil sa pagpatay kay Gugalanna at Humbaba, ipinasiya ng mga diyos, si Enkidu at Gilgamesh, parusahan. Ang una, mamamatay... isang hinay-hinay, masaklap na kamatayan. Ang paraan ng mga diyos - paullit-ulit na masasamang panaginip. Sa isa sa kanyang panaginip - sa kabila ng mga protesta ni Shamash, itinuloy ng mga diyos ang pagpaparusa sa kanila ni Gilgamesh; na kanyang pinagsisisihan kung bakit kanyang iginawan ng pinto ang templo ni Enlil; na kanyang sinisi si Shamhat at ang mangangaso sa ginawa ng mga itong siya’y alisin sa kagubatan, kung bakit siya naging sibilisado. Sa panaginip ring iyon, ipinaalala ni Shamash ang lahat ng ginawa ni Shamhat ay para sa kanyang kabutihan, “Kung hindi kay Shamhat, si Gilgamesh ay hindi mo makikilala’t magiging kaibigan… si Gilgamesh na kapag ika’y namatay, lahat ng papuri’t karangalan sa iyong pangalan ay kanyang ibibigay… si Gilgamesh, dahil sa iyong kamatayan, dahil sa kalungkutan ay maglalagalag.”
Sa kanyang pangalawang panaginip, nakita ni Enkidu ang sariling dinala ng isang nakatatakot na anghel ng kamatayan sa isang bahay, isang bahay na punung-puno ng alikabok, Na ang mga naninirahan ay kumakain ng putik… na ang suot na baro ay gawa sa pakpak ng manok.
Ang mga panaginip ang naging sanhi ng kanyang pagkakasakit, ng paglala. Sa ikalabindalawang araw ng paghihirap, ang higit na isinasakit ng kalooban, siya’y mamamatay hindi bilang mandirigma, mamamatay ng walang karangalan, mamamatay dahil sa sakit… si Enkidu’y namatay.
Sa kabilang dako, ang parusa kay Gilgamesh, magiging malungkutin, magkakaroon ng takot sa dibdib, sa tuwina’y mag-iisip nang malalim. Mag-iisip kung paano maiiwasan ang “kamatayan”.
Tablet 8
Sa burol ni Enkidu, si Gilgamesh, buong kalungkutang nanawagan sa mga bundok, sa mga kagubatan, sa mga parang, sa mga ilog, sa mga ligaw na hayop at sa lahat ng mamamayan ng Uruk na magbigay pugay sa isang mandirigmang namayapa. Mga pakikipagsapalaran nilang magkaibigan, kanyang isinalaysay.
Ang kaibigan, ipinagpatayo ng rebulto; para sa ikapapayapa ng kaluluwa nito, sa mga diyor at diyosa, nag-alay ng mga mamahaling hiyas, sa mga diyos ng impiyerno, isang handaan ang inialay, sa mga ito, nag-alay rin ng kayamanan.
Ilog Euphprates, ang naging huling hantungan ni Enkidu.
Tablet 9
Si Gilgamesh ay naglakbay, naglakbay na may takot, takot para sa sariling kamatayan. Dahil dito, si Utnaphistim, ipinasiyang hanapin. Ang layunin, mula rito, alamin sekreto ng pagiging imortal.
Tungo sa kinarororonan ni Utnaphistim, isang bundok ang tinawid. Rito’y naraanan isang pulutong ng mga leon. Pumatay ng ilan, ginawang pangbalabal sa hubad na katawan. Bago matulog ay nagdasal, hiningi proteksyon ng “diyos ng buwan”. Kinaumagahan, tinahak, mahaba’t napakahirap na daan, narating ang kambal na bundok, ang Bundok Mashu. Nilagos ang isang lagusang di pa napasok ng isang mortal, lagusang binabantayan ng dalawang taong Scorpion. Mga bantay na pinayagan siyang makalagos nang matantong siya’y may dugong diyos.
Ang dulo, bago narating, dalawampu’t apat na oras ang ginugol sa paglalakad sa kadiliman.
Tablet 10
Sa isang taberna, namamahalang si Alewife Siduri’y nakilala ni Gilgamesh. Rito’y kinailangan niyang ipakilala ang sarili, kinailangan dahil pinagkamalan siya nitong isang magnanakaw, isang mamamatay-tao… marahil dahil sa siya’y larawan ng karukhaan.
Nang magkapalagayang loob, sa bagong kakilala’y pinagtapat ni Gilgamesh ang kanyang pakay, na kailangan niya ng tulong. Ang babae’y di nagtagumpay na sirain ang loob ng kausap… na huwag nang ipagpatuloy ang gagawing paglalakbay sa lupain ni Utnaphistim pagkat ang haharapi’y isang kamatayan. Labag man sa loob, ang bagong kaibiga’y tinulungan… kanya itong pinapunta kay Urshanabi, ang bangkerong tutulong para matawid ang isang ilog, ang ilog ng kamatayan.
Sa hindi malamang dahilan, pagdating ni Gilgamesh sa lugar ni Urshanabi, lahat ng mga naglalakihang istatwang naratna’y sinira. Hindi niya alam, ang mga ito lamang ang makapagtatawid sa kanya sa ilog ng kamatayan ng walang panganib.
Dahil wala na nga ang mga istatwa, kinailangan niyang pumutol ng isang daan at dalawampung punongkahoy para gawing pantukod sa bangka ni Urshanabi.
Tablet 11
Gilgamesh at Utnaphistim nagkaharap… isinalaysay ng una ang kanyang naging napakahirap na paglalakbay para hanapin ang kaharap… inilatag kanyang mga katanungan, “Paanong ang isang mortal na gaya mo ay naging isang diyos? Paano mong naiwasan ang kamatayan nang bahain ng mga diyos ang buong daigdig, bahang lumipol sa lahat ng nilalang? Paano ko maiiiwasan ang sariling kamatayan? Paano ako magiging isang imortal?”
Bilang kasagutan sa mga tanong ni Gilgamesh, isinalaysay ni Utnaphistim ang tungkol sa baha…
Minsan, ang mga diyos at diyosa na kinabibilangan nina Anuto (Anu), ang diyos ng langit, Ninurta, ang diyos ng digmaan at mga balon, Enlil, ang diyos ng lupa, Ennugi, ang diyos ng irigasyon at ni Ea, ang diyos ng katwiran at mga sasakyang pantubig, ang sekretong nagpulong. Kanilang pinag-usapan ang mga nangyayaring kasamaan sa daigdig… ang solusyon, isang malawakang pagbaha na ikalilipol ng lahat ng tao, ang hatol ni Enlil.
Bagama’t ang napag-usapa’y isang lihim, buong katalinuhang nagawang linlangin ni Ea ang mga diyos, nagawa niya itong ipaalam sa akin. Pinayuhan akong gumawa ng malaking bangka na may taas na 180 piye, may anim na palapag at may isang ektaryang sahig, bilang paghahanda sa bahang lilikhain ng mga diyos. Sa bangka ay magsakay ako ng isa sa bawat uri ng hayop, ibang ari-arian, kasama ang aking. Bilang karagdagang payo, nagbiling kapag tinanong ng aking mga tauhan kung para saan ang malaking bangka, sabihin sa mga itong, “Aking lilisanin ang Shurrupak upang iwasan ang galit ng diyos na si Enlil. Ang pag-alis ay makabubuti sa inyong pamumuhay.”
Ang malaking baha’y dumating… pitong araw ng walang humpay na pag-ulan, sa ituktok ng isang bundok humantong ang aming sinasakyan.
Upang matantong ang baha’y hupa na, ako’y nagpakawala ng isang Kalapati. Nang ito’y magbalik, isinunod ang Swallow, gaya ng nauna ito ay nagbalik.
Ang di pagbalik ng pinakawalang Uwak ang aking naging palatandaan na may lupa itong nalapagan, palatandaang ang baha ay hupa na, ligtas na ang maglayag at maghanap ng lupang muling matutuntungan.
Paglapag na paglapag ng mga paa sa lupa, isang salo-salo ang aking ipinahanda, bilang pasasalamat sa mga diyos. Ito’y dinaluhan ng mga diyos at diyosang nakatikim ng gutom, maliban kay Ishtar na bumaba upang parusahan ang may pakana ng pagbaha, ang naging dahilan ng naging kamatayan ng kanyang itinuturing na mga anak, si Enlil.
Naudlot ang balak ni Ishtar nang ang hinahanap dumating na galit na galit. Galit nang makita ang malaking bangka, nang makitang may buhay na mga tao. Pilit nitong inalam kung paanong may nakaligtas sa naging pagbaha, samantalang ang layunin nito’y lipulin ang lahat ng tao.
Dahil sa takot, ang nanahimik na si Ninurta’y pumagitna, ituturo na sana kung sino. Natigil lamang nang ang makatwirang si Ea’y nagsalita, “Ako, ang may kagagawan Enlil. Ang dahilan, hindi lahat ay kinakailangang mamatay. Ang mga nagkasala lamang sana ang pinarusahan… na maaari namang gumamit ng ibang paraan na gaya ng peste, taggutom o mga ligaw na aso.
Ang galit ni Enlil ay humupa, naliwanagan, nagsisi. Sa huli, sa akin at sa aking asawa’y kanyang iginawad ang “Eternal Life.”
Matapos magsalaysay ni Utnaphistim, isang hamon ang ibinigay kay Gilgamesh, “Upang matamo mo ang inaasam na “Eternal Life”, kailangan mong malagpasan ang isang pagsubok. Kinakailangang, sa loob ng anim na araw at pitong gabi, ikaw ay hindi matutulog.”
Ang pagsubok, di nalagpasan ni Gilgamesh. Siyang nagnanais na maiwasan ang kamatayan ay hindi nagawang gapiin ang “tulog”… di nararapat na makatamo ng “Eternal Life”.
Datapuwa, sa pakiusap ng asawa ni Utnaphistim, kay Gilgamesh, isa pang pagkakataon ang ibinigay. Isang halamang tinatawag na “How-the-Old-Man-Once-Again-Becomes-a-Young-Man” ang kailangan niyang sisirin sa pinakalapag ng ilog.
Upang makuha ang sinasabing halaman, si Gilgamesh, sa paa ay nagtali ng pabigat na bato… nagawa niyang makapaglakad sa pinakailalim ng tubig. Sa madali’t sabi, kanyang nakuha ang halaman.
Gayunpaman, kung hindi ukol, hindi bubukol… nawalan ng saysay ang pagkakakuha ni Gilgamesh sa halaman… kinain ito ng isang ahas.