Sunday, March 3, 2019

araw ng linggo ni jez rico cuenta

ARAW NG LINGGO
ni Jez Rico Cuenta
Linggo ng umaga
nang ika'y sumilay
Akala ko noo'y
anghel ka sa buhay
Sa puti mong suot
marilag mong taglay
Ang mahikang kusang pumawi ng lumbay
Pinuyos mong buhok
at matang marikit
Sa pagtitig sa'yo
ayaw nang pumikit
Nang ika'y mapansing
sa aki'y palapit
Aba't itong dibdib ay muntik mapunit
Anghel kang 'di anghel
nang aking tadhana
Ginulo mong puso
nang abang makata
At yaman din lamang
na sa'yo humanga
Alay ko ay tulang hinabi ng diwa
Pagsapit ng gabi
kung ika'y hihiga
Silipin mo muna
yaong langit sinta
Sa tanglaw ng buwan
ay magugunita
May isang binatang sa'yo may pagsinta

Friday, March 1, 2019

Ang Aking Pangarap ni Efren Valte

Ang kaakuhan ko'y di mo malilimot dahil ako'y bantay sa iyo ay tanod, nakatayo ako sa harap ng Diyos nguni't ang malay ko'y laging nakaluhod. Tagasibol ako ng iyong pag-asa at tagapagtanggol sa oras ng sigwa, kita'y binubuhat gabi ma't umaga upang ang sikmura'y aking maisalba. Ang mga biyaya'y oo nga't laganap nasusumpungan lang ng mga masipag subalit malaya kahit mga tamad na sa magsasaka ay makikiangkas. Saan mang lupalop sa sulok ng mundo iisa ang nasa ng lahat ng tao, unahing mabuhay,lumayang totoo sa karalitaan ay maipanalo. Tunay ngang kay yaman ng dibdib ng lupa tila ba kawangis ng inang nagpala sa kanyang kandili ay pinasagana ang daloy ng buhay na malahimala. Masayan mang tignan nguni't lumuluha sa taghoy at daing ay nag-aadhika; ang aking sagisag gulugod ng bansa akong tagaligtas ang siyang kawawa. Ako'y sumisigaw,hindi napupuot sa mga nilalang na animo'y dios sa pagod ng iba'y siyang sumasahod nagsasamantala sa sistemang bulok! Tanod na bayani,sino ang tututol kung ako'y nahimbing kaya ka nagutom hindi ba ako rin ang siyang nag-ahon sa dakong Kanluran ng magkaresesyon? Nangangarap akong maging isang butil ng isang halamang sa init magising sa kapanahunan,nais ko'y mapansin sa aking pagtubo'y merong Magigising! Ang Aking Pangarap 03/01/16 edv